
Kinuwestiyon ni Sen. Bam Aquino ang planong Department Administrative Order ng Department of Trade and Industry na mag-oobliga sa mga negosyo na kumuha muna ng permit bago makapaglabas ng advertisements at sales promotions.
Ayon kay Aquino, posibleng magdulot ng dagdag-pahirap at dagdag-gastos ang panukala lalo na sa maliliit na negosyo at online sellers na patuloy pang bumabangon mula sa mataas na operational costs.
Sa ilalim ng proposed order, kinakailangang magsumite ng aplikasyon ang mga negosyo hanggang 30 working days bago makapagpalabas ng digital ads, sponsored posts, videos, billboards, at iba pang promotional materials.
Iginiit ng senador na sa panahon ng mabilisang online marketing at digital selling, hindi praktikal na paghintayin pa ng isang buwan ang mga negosyante bago nila maipromote ang kanilang produkto at serbisyo.
Binigyang-diin din ni Aquino na maaaring umatras sa pagnenegosyo ang ilang micro, small and medium enterprises (MSMEs) dahil sa dagdag na requirements at bayarin na maaaring umabot mula P975 hanggang mahigit P9,000 kada advertisement.









