Nakapag-uwi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng aabot sa P56.3 bilyong halaga ng pamumuhunan mula sa kanyang state visit sa Japan, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sinabi ng DTI na ang mga investment commitment ay nagmula sa mga kumpanyang Furukawa Electric Co., Sumitomo Electric Co., MinebeaMitsumi Inc., at Tsuneishi Group Corporation.

Kabilang sa mga proyektong ilulunsad ang pagtatayo ng bagong planta ng Sumitomo Electric sa Cabuyao, Laguna para sa paggawa ng mga bahagi ng smartphone, automotive electronics, telecommunications equipment, medical devices, at wearable technology. Inaasahang magsisimula ang operasyon nito sa Abril 2027.

Palalawakin din ng Tsuneishi Group ang shipbuilding operations nito sa Balamban, Cebu sa pamamagitan ng pagtatayo ng dry dock at iba pang production facilities.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, makatutulong ang mga bagong pamumuhunan upang mapalakas ang sektor ng manufacturing, electronics, semiconductor, at shipbuilding sa bansa, kasabay ng paglikha ng tinatayang 10,300 direktang at hindi direktang trabaho para sa mga Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng DTI, inaasahang magpapalawak ang mga proyektong ito ng partisipasyon ng Pilipinas sa global value chains at magpapalakas sa posisyon ng bansa bilang sentro ng advanced manufacturing sa rehiyon.