Lumabas sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na ang tinatawag na “Operation Romanov” ay unang iniugnay sa umano’y banta laban sa First Family at hindi kay VP Sara Duterte.

Sa ikalimang araw ng paglilitis, sinabi ni Senator-judge Raffy Tulfo na si Davao City Mayor Baste Duterte ang unang nagbanggit ng “Romanov” sa isang rally speech na iniuugnay sa posibleng mangyari sa pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na inihalintulad sa sinapit ng Romanov dynasty sa Russia.

Kinumpirma ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc na nabanggit nga ni Mayor Baste ang Romanov, ngunit nilinaw niyang hindi ito naging bahagi ng open-source investigation ng NBI dahil nakatuon ang kanilang imbestigasyon sa umano’y grave threats ni VP Sara laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Samantala, sinabi ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na ang pahayag ni Mayor Baste ay maituturing na paghahalintulad lamang sa kasaysayan ng mga Romanov at mga Marcos, at hindi tuwirang banta sa First Family.

Idinagdag ni Lotoc na sinubukan nilang beripikahin ang umano’y banta laban kay VP Sara kaugnay ng “Operation Romanov,” ngunit dahil hindi nakipagtulungan ang Bise Presidente at iba pang sangkot sa press conference, wala silang nakuhang validated o mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa naturang alegasyon.

-- ADVERTISEMENT --