
Mag-aalok ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng scholarship program para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nais tapusin ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo, sa pakikipagtulungan ng Commission on Higher Education (CHED).
Ayon sa OWWA, bahagi ito ng Lifelong Learning Education Assistance Program for OFWs (LEAP-OFWs) na layong tulungan ang mga manggagawang Pinoy sa abroad na makumpleto ang kanilang degree batay sa kanilang karanasan at kasalukuyang trabaho.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng OWWA na maraming OFW ang may mahabang taon ng karanasan sa trabaho ngunit hindi nakapagtapos ng kolehiyo, kaya layunin ng programa na bigyan sila ng pagkakataong makakuha ng degree.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, may mga OFW sa ibang bansa na may dekada nang karanasan sa mga larangan tulad ng engineering ngunit hindi nakatapos ng kanilang kurso.
Sa ilalim ng programa, inaasahang mabibigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong OFW na makumpleto ang kanilang edukasyon habang patuloy na nagtatrabaho sa abroad.










