Dalawang drug personalities ang naaresto matapos mahulihan ng P1.3 milyon na halaga ng marijuana bricks sa ikinasang buy-bust operation ng mga otoridad sa Sitio Bakras, Brgy. Bulanao Centro, Tabuk, Kalinga.
Kinilala ni P/Col. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office ang mga suspek na sina Cindy Addawi 40-anyos, residente ng Brgy. Nambaran, Tabuk, Kalinga at Saldy Wasigan, 28-anyos, binata at residente naman ng Brgy. Agbannawag, Tabuk, Kalinga.
Sinabi ni Limmong, nakipag-ugnayan sa kanila ang Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit (PIU/PDEU) ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO), kasama ang PDEA-RO2 kaugnay sa ka-transaksyon nilang dalawang suspek na magbebenta ng marijuana.
Positibo naman umanong nabentahan ng dalawang suspek ng marijuana ang nagpanggap na poseur buyer kapalit ang P53,000 buy-bust money.
Sa kabuuan, nakumpiska sa mga suspek ang 10 piraso ng bricks ng marijuana na tumitimbang ng 11 kilos at may Dangerous Drugs Board value na P1,375,000.
Ikinustodiya ang mga suspek sa Tabuk, Kalinga para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.