
Nakadiskubre ang 10 mangingisda ng 10 sako ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 billion na lumulutang sa katubigan ng Masinloc, Zambales.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakita ng mga mangingisda ang iligal na droga noong May 29 at ipinasakamay sa mga awtoridad kahapon.
Nakita sa loob ng mga sako ang 223 na assorted vacuum-sealed transparent plastic packs na naglalaman ng shabu.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard (PCG), may natanggap silang report tungkol sa mga sako na pinaghihinalaan na naglalaman ng iligal na droga mula sa isang mangingisda.
Dahil sa takot, sinabi ng PCG na itinago ng mangingisda ang mga kontrabando sa isang grounded na barko sa Mariveles, Bataan.
Nagsagawa ng inspeksion sa mga nasabing bagay ang K9 ng PCG at nakumpirma na may laman itong mga iligal na droga.
Agad na nakipag-ugnayan ang PCG sa PDEA-Bataan na nagsagawa ng on-site assessment at nakumpirma na ang mga nasabing bagay ay shabu.
Ipinag-utos na ng PDEA ang imbestigasyon sa pinagmulan ng nasabing droga.