Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na mga tauhan nila ang nahuli sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Cebu City at Davao City kamakailan.

Ayon sa PCG, nakadestino sa Coast Guard Fleet ang tauhang hinuli sa Cebu habang nakatalaga naman ang isa sa Human Resource Management Unit ng Coast Guard District Southeastern Mindanao.

Kapwa sila naaresto sa isinagawang operasyon katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan may nakumpiskang mga iligal na droga.

Agad namang ipinag-utos ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gavan ang paglalagay sa kanila sa preventive suspension para sa patas na imbestigasyon.

Muli ring nagbabala si Gavan sa mga tauhan ng Coast Guard na hindi nila kukunsintihin ang mga masasangkot sa iligal na aktibidad.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa PDEA at iba pang law enforcement agencies sa isinasagawang imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso.