Tinatayang aabot sa P162 milyon na halaga ng marijuana ang sinira ng mga awtoridad matapos madiskubre ang walong plantasyon sa Tinglayan, Kalinga sa loob lamang ng isang araw.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), natagpuan ang mga taniman sa Mt. Whatong, Barangay Loccong, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 52,000 square meters.

Kabilang sa nasira ang tinatayang 456,000 fully grown marijuana plants, 338,000 seedlings, at mahigit 477,500 gramo ng tuyong dahon at iba pang bahagi ng marijuana.

Gumamit din ng drones ang PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang matukoy ang mga nakatagong plantasyon sa bulubunduking lugar. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng mga naturang taniman.