
Pinapayagan pa rin makapasok ang mga turista sa Tinglayan, Kalinga partikular sa Buscalan kung saan matatagpuan ang sikat na mambabatok na si Apo Whang-od, sa gitna ng nagpapatuloy na tribal conflict sa pagitan ng mga tribo ng Butbot at Tulgao.
Gayunman, sinabi ni PMAJ John Vladimir Bawer, hepe ng PNP- Tinglayan na kailangan munang pumirma ng waiver ang mga turista habang nananatili sa temporary lockdown at travel restriction ang pitong barangay sa Tinglayan.
Ang conflict ay bunga ng boundary dispute na nauwi sa pagpatay sa isang 70-anyos na magsasaka noong nakaraang taon.
Bagamat may naunang 90-day ceasefire agreement noong Hulyo ngayong taon subalit hindi ito nasunod dahil sa maraming paglabag mula sa magkabilang tribo.
Sa ngayon ay naka-deploy na ang peacekeeping force ng pulisya sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang karagdagang paglala ng sigalot habang inilipat sa alternative learning modalities ang mga estudyante upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kanilang mga tahanan.
Patuloy naman ang mga ginagawang hakbang sa pamamagitan ng Bodong o tribal peace covenant upang maibalik ang kapayapaan at normal na sitwasyon sa mga apektadong lugar.









