
Tinutulan ng mga residente ng Barangay Balatoc sa bayan ng Pasil, Kalinga ang mining operations ng Makilala Mining Corporation dahil sa pangambang maapektuhan ang kapaligiran, katubigan, sakahan at kabuhayan ng mga komunidad.
Ayon kay Sangguniang Bayan Member Ireneo Layugan, dumulog sa konseho ang mga Balatoc concerned citizens upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa operasyon ng pagmimina.
Sa isinagawang anti-mining forum sa Tabuk City nitong Miyerkules, sinabi ni Layugan na pinayuhan ng Sangguniang Bayan ang mga kinatawan ng Makilala Mining Corporation na makipagdayalogo sa mga grupong anti-mining sa Balatoc.
Batay umano sa feedback ng mga residente, hindi pa naisagawa ng kompanya ang naturang dayalogo.
Samantala, sinabi ni Pasil Vice Mayor Venancio Magangat na pinatitiyak nila sa Makilala Mining Corporation na makuha ang Free, Prior and Informed Consent o FPIC ng mga apektadong residente para sa ikalawang mining project application nito.
Napag-alaman na ang unang aplikasyon ng kompanya ay nabigyan umano ng permit matapos umanong sumang-ayon ang mga residente.
Gayunman, ayon sa mga bagong miyembro ng Sangguniang Bayan ng Pasil, hindi umano nakuha ang panig ng ilang residenteng tutol sa pagmimina at hindi umano tama na sabihing walang tumututol sa operasyon.
Dahil dito, hindi umano nagpasa ng resolusyon ang mga bagong miyembro ng SB para sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Pasil at Makilala Mining Corporation para sa ikalawang mining project application.
May mga reklamo rin umanong nagmula sa Isabela, kung saan maaaring dumaloy ang tubig mula Pasil, dahil sa pangambang maapektuhan ng posibleng polusyon ang mga katubigan at sakahan.
May isinasagawa ring signature campaign ang mga magsasaka mula Pasil na may mga sakahan sa Tabuk City at Isabela bilang pagtutol sa large-scale mining.
Naisumite na umano sa Makilala Mining Corporation ang position paper ng mga tutol sa proyekto. Wala pa namang update kung nagsagawa na ang kompanya ng assembly o dayalogo kasama ang mga anti-mining residents.
Sa kabila nito, nakakuha na umano ang kompanya ng FPIC mula sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP at Environmental Compliance Certificate o ECC mula sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Nilinaw naman ni Indigenous Peoples’ rights lawyer Atty. Cheryl L. Daytec-Yangot na batay sa Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA Law, hindi dapat nakabatay lamang sa kagustuhan ng nakararami ang usapin ng pahintulot sa mining operation.
Ayon kay Daytec-Yangot, kailangang makuha ang kinakailangang pagsang-ayon ng mga apektadong Indigenous Peoples at hindi maaaring isantabi ang pagtutol ng may karapatan sa lugar.
Tugon ito sa pahayag ni Vice Mayor Magangat na kung ano ang kagustuhan ng nakararami sa usapin ng pagmimina ay iyon din ang kanilang susundin.
Samantala, nananawagan din ang mga magsasaka sa Tabuk City na pakinggan ang kanilang pagtutol sa large-scale mining dahil sa pangambang maapektuhan ang kanilang sakahan, ani at food sufficiency.
Ayon sa grupo, mahalagang maprotektahan ang mga pinagkukunan ng tubig mula Pasil dahil direktang ginagamit ang mga ito sa agrikultura sa Tabuk at Isabela.
Nangangamba rin ang Kalinga Concerned Citizens na maaaring magdulot ng pagkakahati-hati ng mga mamamayan ang isyu ng pagmimina na posibleng makaapekto sa peace and order sa lugar.
Umaasa naman ang ilang religious groups na hindi mauwi sa komprontasyon ang pagtutol sa pagmimina sa Pasil, gaya umano ng mga insidenteng nagaganap sa Kasibu, Nueva Vizcaya na may kaugnayan sa mga protesta laban sa mining operations.
Ang anti-mining forum ay dinaluhan ng mga religious groups, nongovernment organizations, ilang government agencies, farmers at mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Pasil kung saan tinalakay ang mga posibleng epekto ng pagmimina sa kapaligiran, katubigan, agrikultura at kabuhayan.
Bahagi ng Maalinao-Caigutan-Biyog o MCB Copper-Gold Project ng Makilala Mining Company Inc. ang Batong Buhay mining area sa Barangay Balatoc, Pasil, Kalinga.
Nasa loob ng ancestral domain ng Balatoc Tribe ang project site, na may kasaysayan ng pagmimina mula pa noong 1934 bago isinara ang dating Batong Buhay Mines noong dekada 1980.
Ayon sa project information, unang nabigyan ng Exploration Permit ang MCB Project ng Mines and Geosciences Bureau o MGB noong 2006, at itinuturing itong flagship project ng Makilala Mining sa Cordillera.
Samantala, nananatiling kontrobersyal ang proyekto matapos tutulan ng ilang residente, Indigenous Peoples at religious groups dahil sa pangambang maapektuhan ang ancestral domain, mga sakahan at katubigan na konektado sa Pasil at Chico River.
May mga petisyon at hinaing na rin umanong inihain kaugnay sa proyekto.
Sa kabilang banda, itinuturing naman ng kompanya ang proyekto bilang potensyal na malaking investment na maaaring maghatid ng economic opportunities sa Kalinga.









