Naharang ng mga awtoridad ang ilang parcel na may snack boxes na naglalaman pala ng aabot sa 120 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P816 million sa isang warehouse sa Pasig City.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang mga parcel ay nagmula sa iba’t ibang lugar sa California, USA at ipinadala sa iba’t ibang consignees sa Taguig, Pasig at Makati.
Ang mga parcel na ito ay hindi idineklara pagdating sa bansa.
Sinabi ng PDEA na habang walang nahuling mga suspek, nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon.
Ang mga ebidensya ay ipinadala na sa PDEA Laboratory Service para sa confirmatory analysis.
Idinagdag pa ng PDEA na ang matagumpay na pagkakasabat sa mga nasabing droga ay produkto ng pagtutulungan sa pagitan ng ahensiya at iba pang law enforcement agencies.
Sinabi pa ng PDEA na mahalaga ang kanilang presensiya sa mga pangunahing paliparan, seaports, at cargo facilities upang mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga kontrabando.
Kasabay nito, nanawagan ang PDEA sa publiko na manatiling alerto at iulat ang anumang kahina-hinalang package o drug-related activities.