Naniniwala si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na mananaig pa rin ang pagpapatupad ng P85 arawang dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila sa kabila ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng korte.

Ayon kay Tolentino, mananaig ang Konstitusyon at ang batas sa usapin ng proteksyon sa kapakanan ng mga manggagawa.

Noong Hulyo 30, nagpalabas ang Pasig Regional Trial Court (RTC) ng TRO laban sa implementasyon ng NCR Wage Order No. 27 matapos maghain ng petisyon ang dalawang construction companies.

Sa ilalim ng wage order, ipatutupad ang P85 dagdag-sahod sa dalawang yugto, kung saan nagsimula na ang unang P60 na dagdag noong Hulyo 25.

Nilinaw naman ni Tolentino na dapat bayaran ng mga employer ang mga wage increase na naipon na ng mga manggagawa bago ipinatupad ang TRO.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang dinggin ng korte ang kaso sa Agosto 3 habang tiniyak ng kalihim na patuloy na poprotektahan ng pamahalaan ang kapakanan ng mga manggagawa.