Na-postpone ang inaabangang laban nina Floyd Mayweather Jr. at Manny Pacquiao na nakatakda sana sa Setyembre 25, 2026 sa Las Vegas.

Ito’y matapos maghain ng demanda ang promoter na CSI sa U.S. District Court sa Southern District of New York upang pigilan ang exhibition fight ni Mayweather laban kay Mike Zambidis sa Greece.

Dahil walang naging desisyon ang korte bago ang fight week, umatras ang abogado ni Mayweather sa planong ituloy ang event at tuluyang kinansela ang laban.

Ang rematch na ito ay inaasahan ng mga tagahanga bilang muling pagtatagpo ng dalawang boksingero matapos ang kanilang laban noong 2015 kung saan nanalo si Mayweather sa pamamagitan ng unanimous decision.

Subalit ang legal na usapin ay nagdulot ng kalituhan sa ticketing partners, dahilan upang maging kumplikado ang sitwasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa kasong ito, nahaharap din si Mayweather sa iba’t ibang problema sa pananalapi kabilang ang mga demanda laban sa dating business partners at mga felony charges sa Nevada kaugnay ng umano’y masamang tseke na nagkakahalaga ng $200,000.

May mga alegasyon din na tumanggap siya ng advance payments para sa laban kay Zambidis at Pacquiao ngunit hindi natupad ang mga kasunduan.

Kinumpirma ni Manny Pacquiao na ang laban ay postponed indefinitely at posibleng mailipat sa Enero 2027 kung matutuloy ang exhibition fight ni Mike Tyson sa Setyembre.

Sa ngayon, nananatiling nakabitin ang isa sa pinakamalaking laban na inaasahan ng mundo ng boksing.