Patuloy ang search and rescue operation ng mga otoridad sa isang 52-anyos na magsasaka na pinaniniwalaang nalunod sa isang sapa nang mahulog sa tulay na gawa sa kahoy sa bahagi ng Brgy Malalinta, Tuao, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Marcial Fronda, residente ng Brgy Palca na umanoy nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang tumawid sa tulay, kasama nang kanyang asawa na nauna at matagumpay namang nakatawid.

Ayon kay PMAJ JhunJhun Balisi, hepe ng PNP-Tuao, galing ang magasawa sa kanilang maisan at pauwi na nang mahulog ang biktima sa tulay.

Sinabi ni Balisi na malakas ang agos ng tubig sa sapa na kumokonekta sa Chico river dahil sa mga pag-ulang hatid ng habagat.

Sa ngayon ay puspusan pa rin ang paghahanap ng mga otoridad kung saan tumutulong na rin ang Task Force Lingkod Cagayan at MDRRMO-Tuao.

-- ADVERTISEMENT --