
Mariing iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ang anumang mungkahing isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan ay katumbas ng pagsuko ng buong bansa.
Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Lacson na malinaw sa international law ang batayan ng soberanya ng Pilipinas sa KIG sa ilalim ng prinsipyong res nullius o terra nullius, na kinikilala ang unang nakadiskubre at umangkin sa lupang walang may-ari bilang lehitimong may-ari nito.
Ayon sa senador, ang mga isla sa Spratlys—kung saan kabilang ang KIG—ay nadiskubre at inokupa ng Pilipinong adventurer na si Tomas Cloma bilang res nullius. Kalaunan, ayon pa kay Lacson, isinuko ni Cloma ang pagmamay-ari ng mga isla sa pamahalaan ng Pilipinas.
Kinukumpirma rin ng opisyal na website ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan na si Cloma, kasama ang kanyang kapatid at humigit-kumulang 40 katao, ang unang nakadiskubre at nanirahan sa mga dating walang taong isla sa Spratlys noong 1947.
Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng naging komento ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA), kung saan sinabi nitong maaaring “i-give up” ng Pilipinas ang KIG dahil umano’y lampas ito sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Sa naturang pagdinig ng CA, binanggit ni Marcoleta na may apat na pangunahing feature ang KIG—Pag-asa, Parola, Kota at Lankiam—na aniya’y “way beyond” ng EEZ ng Pilipinas, dahilan upang imungkahi ang pagsuko nito upang mas madali umano ang koordinasyon sa West Philippine Sea.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na mananatiling matatag ang paninindigan ng pamahalaan na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi kailanman isusuko ng administrasyong Marcos ang alinmang bahagi ng teritoryo ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan.










