Ayon sa ekonomistang si Emmanuel Leyco ng Centre for People Empowerment in Government, ang pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo ang isa sa pinakamabilis na hakbang na maaaring gawin ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, lalo na sa mahihirap na sektor.

dagdag pa niya, direktang makakatulong ito sa gastos sa transportasyon na araw-araw na pinapasan ng mga ordinaryong mamamayan, hindi lang sa pamasahe ito ramdam kundi pati sa presyo ng mga bilihin dahil petrolyo rin ang pangunahing gamit sa logistics at pagdadala ng produkto.

Ipinaliwanag ng ekonomista na kapag bumaba ang presyo ng langis, mas mabilis din bababa ang gastos sa produksyon at distribusyon ng mga pagkain at iba pang pangunahing bilihin. Kaya ayon sa kanya, ang benepisyo nito ay hindi lang para sa iilang sektor kundi para sa buong ekonomiya.

Sa ilalim ng TRAIN Law, may umiiral na excise tax sa iba’t ibang produktong petrolyo tulad ng gasolina, diesel, LPG, kerosene, at iba pa na may katumbas na dagdag sa presyo ng retail fuel. Halimbawa, may buwis na P10 kada litro sa gasolina, P6 kada litro sa diesel, at P3 kada kilo sa LPG.

Ayon sa kanya, kung tuluyang sususpindihin ang excise tax, maaaring bumaba agad ang presyo ng fuel ng kaparehong halaga ng buwis na tinatanggal, kaya ito raw ang isa sa pinakamabilis na paraan para magbigay ng ginhawa sa publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang gumawa ng hakbang ang pamahalaan matapos suspendihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang excise tax sa LPG at kerosene upang maibsan ang pasanin ng mga kabahayan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.

Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng mga economic managers kung ano pa ang mga posibleng hakbang para mapagaan ang epekto ng global oil price hikes sa mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap at mga umaasa sa arawang kita.