Ipinanawagan ni Senador Bam Aquino ang deklarasyon ng mas malawak na state of national emergency upang mabigyan umano ang pamahalaan ng mas malakas na kapangyarihan na kontrolin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng krisis sa langis.

Ayon kay Aquino, mas magiging epektibo ang tugon ng gobyerno kung mayroong ganitong deklarasyon dahil maaaring magpatupad ng price control o price cap sa mga essential goods at basic commodities, na hindi umano malinaw sa kasalukuyang state of national energy emergency.

Binigyang-diin niya na sa ilalim ng state of national emergency o state of calamity, mas nagkakaroon ng mekanismo upang direktang maprotektahan ang mga mamimili laban sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto.

Plano rin ni Aquino na hingin ang paglilinaw sa ilalim ng isinagawang Executive Order No. 110 kung saklaw ba nito ang price control at kung maaaring gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang quick response fund (QRF) para sa tulong sa kanilang nasasakupan.

Bukod dito, iginiit ng senador ang pangangailangan na gamitin ang mahigit ₱200 bilyong pondo ng pamahalaan upang magbigay ng mas nakatuon at komprehensibong ayuda sa mga apektadong sektor, kabilang ang mga transport worker, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), magsasaka, mangingisda, guro, at mga health worker.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Aquino, mahalagang maprotektahan ang mga pampublikong pamilihan, ospital, at paaralan upang hindi lubos na maapektuhan ang kabuhayan at araw-araw na buhay ng mga Pilipino sa gitna ng krisis.

Nanawagan din siya na kung magbibigay ng tulong ang gobyerno, dapat itong gawin nang maayos, mabilis, at tuloy-tuloy upang masigurong maramdaman ito ng mga apektadong sektor.