Bumagsak ang mga pandaigdigang stock market nitong Martes habang lumalakas ang dolyar at tumataas ang inaasahan ng mga mamumuhunan na magiging mas agresibo ang Federal Reserve sa paglaban sa inflation.

Nanguna sa pagbagsak ang sektor ng teknolohiya matapos ang malawakang bentahan sa mga pangunahing tech stocks tulad ng SpaceX, Alphabet, Meta Platforms at Microsoft.

Mahigit 2.5 porsiyento ang ibinaba ng Nasdaq futures habang bumagsak din ang S&P 500 futures ng 1.2 porsiyento.

Humina rin ang mga merkado sa Europa at Asya, kabilang ang South Korea’s KOSPI index na nagtala ng 10 porsiyentong pagbaba, ang pinakamalaking one-day selloff nito mula noong Marso.

Samantala, nanatiling mas mababa sa $80 kada bariles ang presyo ng Brent crude oil. Gayunman, nakatuon ang pansin ng mga mamumuhunan sa posibleng epekto ng mataas na presyo ng enerhiya sa polisiya ng Federal Reserve.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, umakyat sa pinakamataas na antas sa loob ng 16 na buwan ang mga short-term US Treasury yields, habang halos ganap nang inaasahan ng merkado ang isa pang pagtaas ng interest rates pagsapit ng Setyembre.

Bunsod nito, umabot sa pinakamataas na antas sa loob ng isang taon ang halaga ng US dollar laban sa mga pangunahing salapi.

Kabilang sa pinakaapektado ang Japanese yen na nanatiling malapit sa 40-taong pinakamahinang antas laban sa dolyar.

Sa iba pang merkado, bumagsak ng 1.7 porsiyento ang presyo ng ginto habang humina rin ang cryptocurrency market, kung saan bumaba ang bitcoin ng 3 porsiyento at ang ether ng 4 porsiyento.