Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng sports sa paghubog ng disiplina, teamwork, respeto at tibay ng loob ng mga kabataang Pilipino sa pagbubukas ng 2026 Palarong Pambansa.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na hindi lamang pisikal na lakas ang nahuhubog sa sports kundi maging ang mahahalagang values na magagamit ng kabataan sa kanilang paglaki at pagharap sa hamon ng buhay.

Binanggit din ng Pangulo ang mga hakbang ng pamahalaan para palakasin ang grassroots sports development kabilang ang pagpapalakas ng School Sports Clubs at pamamahagi ng sports equipment sa mga paaralan.

Ayon sa Pangulo, mahigit 6,000 paaralan na ang nabigyan ng sports supplies at equipment mula 2022 hanggang 2025 at mas marami pa ang target makinabang ngayong taon.

Ipinunto rin ng Punong Ehekutibo ang “Grassroots to Gold” program ng Department of Education at Philippine Sports Commission na layong suportahan ang mga batang atleta mula sa school level hanggang international competitions.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din nya ang naging tagumpay ng mga batang atletang Pilipino sa iba’t ibang international tournaments kabilang ang ASEAN School Games sa Brunei kung saan nakapag-uwi ang bansa ng 43 medalya.

Ngayong taon, 18 rehiyon ang kalahok sa Palarong Pambansa kasama ang mga atleta mula sa National Academy of Sports at Philippine Sports Overseas.

Hinimok naman ng Pangulo ang mga kalahok na maglaro nang may dangal, respeto at buong puso, manalo man o matalo sa kompetisyon.