
Dinipensahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakda niyang pagdalo sa Formula 1 Grand Prix sa Singapore sa gitna ng mga puna ukol sa gastos at layunin ng kanyang biyahe.
Sa isang panayam sa Singapore, ipinaliwanag ng Pangulo na hindi lang basta panonood ng karera ang kanyang pakay kundi ang pagbuo ng mga importanteng contacts at pagdaraos ng mga face-to-face meeting sa mga international business leader.
Sinabi pa nito na nagkataon lang o “happy coincidence” na kasabay ng Forbes CEO Conference ang F1 kung saan naroon ang halos lahat ng mga top decision-maker at negosyante na mas madaling makapulong nang personal.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng personal na pakikipagkita sa pagbuo ng mga ugnayan, maging sa negosyo o politika.










