
Inihayag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Cagayan Chapter ang suporta nito sa panukalang alisin ang system loss charge sa mga bayarin sa kuryente, kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cloyd Velasco ng PCCI-Cagayan Chapter na malaking ginhawa ito para sa mga negosyante at mga consumer dahil inaasahang magpapababa ito sa buwanang gastos sa kuryente.
Gayunman, nilinaw ni Velasco na hindi agad maisasakatuparan ang naturang panukala dahil kinakailangan pa itong dumaan sa pag-amyenda ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law at sa masusing pagtalakay ng Kongreso upang matiyak na hindi maaapektuhan ang operasyon ng energy sector.
Bukod dito, sinabi ng PCCI-Cagayan na umaasa sana silang mas mabibigyang-diin ng administrasyon ang pagpapalakas ng digital infrastructure at ang pagbuo ng pangmatagalang polisiya para sa food security, na mahalagang salik sa paglago ng ekonomiya at negosyo.
Nagpahayag din ng suporta ang business group sa planong pagtatayo ng spaceport sa Cagayan, na ayon kay Velasco ay makatutulong sa pagpapalawak ng kakayahan ng bansa sa science and technology, disaster preparedness, at paglikha ng mas maraming oportunidad sa pamumuhunan at trabaho.
Sa kabuuan, binigyan ng 7 out of 10 na marka ng PCCI-Cagayan ang ikalimang SONA ng Pangulo.
Bagamat may ilang usaping nais pa nilang nabigyang-linaw, kinilala ng samahan ang mga hakbang ng administrasyon para sa ekonomiya at hinikayat ang mga Pilipino na magkaisa upang maisulong ang pag-unlad ng bansa.










