Inihain sa Kamara ang panukalang batas na layong ibaba ang kasalukuyang 12% Value-Added Tax (VAT) sa 10% bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.

Inihain ni Akbayan Reform Bloc Rep. Jose Manuel Diokno ang House Bill No. 9156 o “VAT Reduction Act,” na naglalayong amyendahan ang mga probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997, partikular ang Sections 106 (A), 107 (A), at 108 (A).

Ayon kay Diokno, patuloy na nahihirapan ang mga pamilyang Pilipino sa pagtaas ng presyo ng fuel, transportasyon, kuryente, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.

Binigyang-diin niya na ang inflation ay umakyat mula 4.1% noong Marso hanggang 7.2% noong Abril, na aniya’y nagpapakita ng mas mabigat na pasanin sa mga konsyumer.

Sa ilalim ng panukala, layunin nitong bawasan ang tax component na nakapaloob sa presyo ng mga produkto at serbisyo upang maibsan ang epekto ng inflation at mapalakas ang purchasing power ng mga pamilya.

-- ADVERTISEMENT --

Giit pa ng mambabatas, inaasahang makatutulong din ang VAT reduction sa pag-angat ng ekonomiya at sa pagluwag ng gastos ng mga negosyo sa gitna ng kasalukuyang krisis sa pandaigdigang merkado ng langis.