
Posibleng madamay sa imbestigasyon ang mga ordinaryong pasyente at mga empleyado ng isang Filipina nurse practitioner kaugnay ng umanoy malawakang pandaraya sa Medicare sa Estados Unidos.
Ang babala ay kasunod ng pagkakasangkot ng Filipino-American nurse na si Marizel Cambri Yukee, na tubong Tuguegarao City sa kasong health care fraud sa Texas dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mahigit $906 milyong pekeng insurance claims.
Ayon kay Rene Ballenas, Bombo International News Correspondent sa US, batay sa nagpapatuloy na imbestigasyon ay maaaring kasuhan bilang co-conspirator ang sinumang pasyenteng hindi magsasabi ng totoo tungkol sa mga serbisyong medikal na natanggap nila.
Maging ang kanyang mga empleyado tulad ng mga accountant ay maaari ring masangkot bilang mga co-conspirator.
Bagamat wala pang pinal na hatol, suspendido na rin ang operasyon ng lahat ng kanyang klinika sa Texas, California, Nevada, at Hawaii.
Binigyang-diin ni Ballenas na ang ganitong pandaraya ay direktang nakaaapekto sa mga nangangailangang pasyente.
Ginamit umano ang bahagi ng nakuhang pera para sa marangyang pamumuhay, kabilang ang mga mamahaling sasakyan, alahas, isang bahay sa Hawaii, at isang resort sa Sta. Ana, Cagayan.










