
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na nasa huling yugto na ang paghahain ng Office of the Ombudsman ng patong-patong na kaso laban kay dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.
Ayon sa Pangulo, may mga unang nakasuhan at nakulong na kabilang ang ilang kontratista, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at ilang mambabatas.
Inamin ni Marcos na masakit para sa kanya ang mga kasong isasampa laban sa kanyang pinsan ngunit iginiit niyang kailangang gawin ang tama.
Aniya, hindi siya pangulo ng kanyang pamilya kundi ng buong Pilipinas.
Nauna nang naghain ang special panel of investigators ng Office of the Ombudsman ng supplemental complaint para sa preliminary investigation laban kina Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, at iba pang personalidad dahil sa umano’y paglustay ng humigit-kumulang P56 bilyon mula 2022 hanggang 2025 sa pamamagitan ng maling paggamit ng pondo ng pamahalaan. Kabilang sa mga reklamong isinampa ang plunder, graft at direct bribery.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ni Romualdez na si Atty. Elaine Atienza na haharapin ng dating Speaker ang mga alegasyon at naniniwala silang mapatutunayan nito ang kanyang panig sa tamang proseso at batay sa ebidensiya.










