
Nagbabala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas nagiging kumplikado at mapanganib ang trabaho ng mga Pilipinong seafarer dahil sa mga armadong tunggalian, tensiyong geopolitical at iba pang insidente sa karagatan.
Sa Philippine Maritime Convention sa Maynila, sinabi ni Marcos na halos isa sa bawat limang seafarer na nade-deploy sa buong mundo ay Pilipino, na patunay umano sa patuloy na pangangailangan sa kanilang kakayahan at karanasan.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na may mga Pilipinong seafarer na nasasangkot sa mga conflict at security incidents na wala naman silang kinalaman, kung saan may ilan nang nasugatan at namatay.
Kabilang dito ang dalawang Pilipinong seafarer na nasawi nitong Setyembre matapos tamaan ng hindi pa nakikilalang projectile ang kanilang barko sa Strait of Hormuz.
Binigyang-diin ni Marcos na kailangang sumabay ang proteksiyon ng gobyerno sa nagbabagong panganib na kinakaharap ng mga seafarer.
Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatibay sa Magna Carta of Filipino Seafarers, bagong rules at standard employment contracts para sa overseas seafarers, at pagtatatag ng Seafarers’ Welfare Center.
Patuloy rin aniya ang pagpapalakas sa training, assessment at certification ng mga seafarer upang manatiling kwalipikado at competitive ang mga Pilipino sa pandaigdigang maritime industry.










