
Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa kababaihan na mamuno at kinilala ang kanilang potensyal kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day ngayong Linggo.
Aniya, makakaasa ang lahat na ang kanyang administrasyon ay nananatiling tapat sa pangako na tiyakin na bawat babae ay maririnig, nirerespeto, at nabibigyan ng kapangyarihan sa ating lipunan.
Dagdag pa niya, patuloy na pagbubuksan ang mas maraming espasyo para sa kababaihan upang mamuno at kilalanin ang kanilang buong potensyal, upang ang kanilang lakas at pananaw ay magabayan tayo sa pagtatayo ng isang mas makatarungan, inklusibo, at maasahang Bagong Pilipinas.
Inilarawan ng Pangulo ang kababaihan bilang “puso ng bawat bansa” at pinarangalan ang kanilang tapang, karunungan, at mahalagang papel sa pambansang pag-unlad.
Sa isang post sa social media, nangako rin ang Pangulo na ipagpapatuloy ang pagpapalawak ng mga oportunidad, proteksyon ng karapatan, at pagtitiyak na ang bawat Filipina ay may akses sa mga programa sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan sa ilalim ng kanyang pamahalaan.
Ipinagdiriwang tuwing Marso 8 ang International Women’s Day, bilang pagkilala sa mga tagumpay ng kababaihan sa lipunan, ekonomiya, kultura, at politika, at bilang panawagan upang pabilisin ang pagkakapantay-pantay ng kasarian.









