Magkasamang bumisita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney sa isang sikat na Filipino fast food chain sa Vancouver, Canada.

Ito ang kauna-unahang Filipino fast food franchise na naging matagumpay sa British Colombia.

Sa kanilang pagbisita, nakasalamuha rin ng dalawang lider ang mga Pilipinong empleyado at miyembro ng Filipino community na naroon sa restaurant.

Pero habang nasa loob ng fast food chain, nagtipon naman sa labas ang ilang nagkikilos-protesta.

Nanawagan ang mga ito ng pananagutan kaugnay ng isyu ng umano’y korapsyon sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pagpasok palang ni Pangulong Marcos sa restaurant, dinig na sa labas ang sigaw ng mga nagkikilos-protesta, pero itinuloy pa rin ng pangulo ang kaniyang pagbisita.

Hanggang sa paglabas ng pangulo sa restaurant sinundan siya ng mga raliyisita.

Sa kabila nito, naging maayos ang seguridad sa lugar at itinuloy nina Marcos at Carney ang kanilang pagbisita sa restaurant bilang bahagi ng official visit ng pangulo sa Canada.

Bago nito naging matagumpay naman ang pulong ni Marcos at PM Carney.

Pinalalim ng Pilipinas at Canada ang kanilang ugnayan matapos na opisyal na iangat ang relasyon sa strategic partnership.

Nasaksihan din ng dalawang lider ang paglagda sa ilang bilateral agreements at declarations of cooperation na magpapalawak ng pagtutulungan sa mga larangan ng enerhiya at likas na yaman, turismo, kultura, at paggawa at migrasyon.