
Iginiit ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano na tanging warrant of arrest mula sa mga korte sa Pilipinas lamang ang kikilalanin ng Senado kaugnay ng usapin laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ay matapos tangkaing ihain sa Senado ang umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dela Rosa nitong Lunes.
Ayon kay Cayetano, malinaw umano sa Konstitusyon na dapat manggaling sa isang hukom sa Pilipinas ang warrant of arrest upang ito ay maipatupad.
“Under our Constitution, it has to be a Philippine judge issuing a warrant of arrest,” ani Cayetano sa media.
Dagdag pa niya, karaniwan umanong boluntaryong sumusuko ang isang senador matapos maubos ang lahat ng legal na remedyo.
Kinondena rin ni Cayetano ang naging habulan sa pagitan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ni dela Rosa sa loob ng Senado.
Aniya, hindi umano tama na habulin ang isang senador habang papasok sa sesyon lalo na kung hindi pa malinaw ang naturang warrant mula sa ICC.










