Inanunsiyo ng Philippine Tuberculosis Society Inc.- Cagayan Valley ang pagsasagawa nila ng libreng chest x-ray na sinimulan ngayong buwan ng Agosto.
Ito ay para sa mga mamamayan na may sintomas ng tuberculosis o TB tulad ng dalawang Linggo o higit pa na ubo at walang kakayanang gumastos para dito
Sinabi ni Catherine Gumiran Jacobe ng Philippine Tuberculosis Society- Cagayan branch na kahit walang referal mula sa mga health centers ay maaaring maka-avail ng libreng x-ray sa Carig Sur o tabi lamang ng Cagayan Valley Medical Center.
Layunin nito na agarang makita at masuri ang mga residenteng mayroong tuberculosis at matulungan silang maagapan ito.
Kapag nakitaan ng palatandaan ng TB ang isang tao ay agad itong isasailalim sa medical briefing at patnubay ng doktor.
Dagdag pa ni Jacobe, bibigyan din ng libreng gamot ang sinumang makikitaan ng tuberculosis.
Pinayuhan din ni Jacobe ang publiko na huwag balewalain ang sakit dahil kahit may gamot pero kung hindi maaagapan ay maaring magresulta ng maagang kamatayan.