
Itinanggi ng Malacañang ang paratang ni Senador Imee Marcos na may umano’y pamimilit at pananakot sa mga mambabatas upang suportahan ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas magiging kapani-paniwala lamang ang mga alegasyon kung may malinaw na ebidensiya.
Binanggit din ni Castro si dating Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing tila nakagawian umano nito ang paggawa ng intriga at alegasyon nang walang patunay.
Nauna rito, sinabi ni Senadora Marcos na may ilang kongresista at senador na umano’y tinatakot na sampahan ng kaso kapag hindi susuporta sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Ayon pa sa senadora, may ilan ding proyekto ng mga mambabatas ang umano’y hindi agad pinopondohan o nilagyan ng “for later release” status.
Samantala, nakatakdang bumoto ang House of Representatives sa Articles of Impeachment laban kay Duterte, kung saan kailangan ng hindi bababa sa 106 boto upang maipadala ito sa Senado para sa impeachment trial.









