Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi uurong ang Pilipinas sa pagtatanggol sa karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS) at mananatiling nakabatay sa 2016 Arbitral Award ang paninindigan ng bansa sa usapin ng teritoryo.

Sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang desisyon, sinabi ng Pangulo na ang Arbitral Award ay nananatiling matibay na batayan sa pagprotekta sa soberanya at sovereign rights ng Pilipinas, gayundin sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa karagatan.

Binigyang-diin ni Marcos na pinili ng Pilipinas ang landas ng batas, dayalogo, at mapayapang paraan nang ihain nito ang kaso noong 2013 sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Aniya, ang naging desisyon ay hindi lamang tagumpay ng bansa kundi pati ng mga mangingisdang Pilipino at ng mga pamilyang umaasa sa yamang-dagat para sa kanilang kabuhayan.

Nanawagan din ang Pangulo sa iba pang mga bansa na patuloy na igalang ang international law at palakasin ang kooperasyon upang mapanatili ang kapayapaan, katatagan, at malayang paglalayag sa South China Sea.

-- ADVERTISEMENT --