Opisyal nang kinilala ng World Bank ang Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC) matapos umabot sa $4,850 ang gross national income o GNI per capita ng bansa, na mas mataas sa itinakdang threshold para sa naturang kategorya.

Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), bunga ito ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya, maayos na pamamahala sa macroeconomy, at pagpapatupad ng mga pangmatagalang reporma.

Mula 2021 hanggang 2025, nagtala ang bansa ng average na 5.8% GDP growth, habang tumaas ng 8.5% ang GNI per capita noong 2025.

Sinabi ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na inaasahang magpapalakas ang bagong katayuan sa credit profile ng Pilipinas, magpapataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at lilikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho.

Kinilala rin niya ang malaking ambag ng mga OFW sa pag-abot ng milestone, kasabay ng paninindigang tiyaking mararamdaman ng lahat ng Pilipino ang benepisyo ng paglago ng ekonomiya.

-- ADVERTISEMENT --