Sumali ang Pilipinas sa UNESCO-UNICEF Gateways to Public Digital Learning Initiative upang mapalawak ang paggamit ng digital platforms sa edukasyon.

Ayon kay Commission on Higher Education Chairperson Shirley Agrupis, magbibigay ang inisyatiba ng access sa pandaigdigang network para sa pagbuo at pagpapalakas ng public digital learning platforms.

Inihayag ito ni Agrupis sa Transforming Education Summit +4 sa UNESCO headquarters sa Paris, France, kung saan tinalakay ng mga lider sa edukasyon ang mga hakbang para sa digital learning.

Layunin ng programa na makatulong sa pagpapalawak ng access sa de-kalidad na edukasyon, lalo na para sa mga mag-aaral at guro sa malalayong lugar.