Inihayag ng state weather bureau na posibleng mararanasan ngayong taon ang pinamainit na temperatura sa lungsod ng Tuguegarao.

Sinabi ni Romy Ganal, weather senior specialist ng Pagasa northern Luzon, posibleng makaranas ang Tuguegarao ng “danger level” heat index na 42°C at mas mataas pa na temperatura simula sa kalagitnaan ng Abril hanggang Mayo.

Ipinaliwanag ni Ganal na bagamat ang Tuguegarao ang isa sa pinakamainit na lugar sa bansa, hindi agad nararanasan ang danger level heat index ngayong Marso dahil sa ito ay nasa lambak at hindi agad lumalabas ang malamig na hangin, subalit kapag tuluyan na itong mawala, nakukulong din ng matagal ang alinsangan.

Dahil dito, sinabi ni Ganal na ang mga nakaranas ng mataas na temperatura nitong mga nakalipas na araw ay ang Dagupan, Pangasinan, Puerto Princesa, Palawan at ilang bahagi ng western Visayas.

Kaugnay nito, sinabi ni Ganal na nagpapalabas sila ng 2-day forecast sa heat index upang makapaghanda ang mga apektadong mga lugar lalo na kung kailangan na magsuspindi ng klase.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Ganal na sa ikalawa o ikatlong linggo ng Marso posibleng ideklara ang pagtatapos ng Amihan at simula ng tag-araw at ang pagpasok ng easterlies o mainit na hangin.