Inanunsyo ng Philippine Military Academy ang pagho-host nito ng kauna-unahang International Conference of Cadets (ICC) sa Nobyembre bilang bahagi ng suporta sa pagiging host ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon.

Ayon kay Jesse Nestor Saludo, magsisilbing plataporma ang kumperensya para sa cultural exchange, professional development, at pagbabahagi ng best practices sa military education at leadership.

Target ng PMA na makadalo ang humigit-kumulang 19 na bansa, kabilang ang mga miyembrong estado ng ASEAN at iba pang partner nations.

Gaganapin ang ICC mula Nobyembre 17 hanggang 23, 2026 sa PMA sa Baguio City, na may temang “From Cadets to Catalysts: Transformational Leadership in a Globalized World.”

Inaasahan ding tampok sa pagtitipon ang mga dating military strategist, corporate leaders, at akademiko bilang mga tagapagsalita.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Caesar Bernard Valencia, superintendent ng PMA, na inimbitahan din ang mga cadet mula sa mga kaalyadong bansa upang talakayin ang usapin ng seguridad at modernong digmaan.

Dagdag pa niya, patuloy ding ipinapadala ng PMA ang kanilang mga cadet sa iba’t ibang military academies sa ibang bansa para sa karagdagang training at exposure.