Nangako ngayon ang liderato ng Philippine National Police Region 2 na paiigtingin pa ang kampanya laban sa kriminalidad at iba pang banta sa seguridad upang mapanatili ang kaayusan sa rehiyon.

Ito ang binigyang-diin ni PBGen Mariano Rodriguez, acting Regional Director ng PRO 2 kasabay ng pagtanggap nito ng pagkilala at komendasyon mula sa Sangguniang Panlungsod ng Tuguegarao City matapos hiranging Best Police Regional Office sa buong bansa ang PNP Region 2 sa isinagawang PNP Day Celebration noong Enero 2026.

Ayon kay Rodriguez, walang kaunlarang makakamit kung walang maayos na peace and order sa komunidad.

Sinabi rin ng opisyal na pag-iigihan pa nila ang kanilang trabaho kasabay ng pangakong mas mabilis at mas mararamdamang serbisyo para sa publiko.

Tiniyak din ni Rodriguez na mananatiling mapayapa ang Tuguegarao City at buong Cagayan Valley upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at turista sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, mahalagang bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na kapaligiran para sa negosyo at turismo.

Samantala, kabilang din sa mga ginawaran ng komendasyon sina CPPO Provincial Director PCOL Mardito Anguluan na kinilalang Best Senior Police Commissioned Officer for Operations, at ang 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company na itinanghal na Best Provincial Mobile Force Company.

Natanggap ng mga ito ang naturang parangal sa ginanap na PNP Day Celebration noong Enero, dahilan upang bigyang-pugay rin sila sa regular session ng Sangguniang Panlungsod ng Tuguegarao ngayong araw