
Nagpalakas ng puwersa ang pamunuan ng kapulisan sa Lambak Cagayan sa bayan ng Sto. Tomas, Isabela kasunod ng naganap na pamamaril na ikinasawi ng apat na katao at ikinasugat ng apat pa sa Brgy San Rafael Abajo
Ayon kay PBGen Mariano Rodriguez, Acting Regional Director ng PNP Region 2, nagdagdag agad ng mga tauhan mula sa Regional Mobile Force Battalion at 1st Isabela Provincial Mobile Force Company upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang posibleng karagdagang insidente sa lugar.
Nagpatupad din ng karagdagang seguridad para sa mga pamilya ng mga biktima upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapanatagan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Patuloy rin ang police visibility at mga patrol operation sa iba’t ibang bahagi ng Sto. Tomas upang mapalakas ang presensya ng kapulisan at mapanatili ang seguridad ng publiko.
Samantala, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable at iba pang detalye kaugnay ng krimen.
Nanawagan naman ang PRO 2 sa publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa mabilis na paglutas ng kaso.
Tiniyak din ni PBGen Rodriguez sa mga pamilya ng mga biktima na nakatutok ang buong hanay ng Special Investigation Task Group o SITG upang mabigyan ng hustisya ang mga nasawi at kanilang mga naulilang mahal sa buhay.










