
Sinimulan na sa lalawigan ng Cagayan ang implementasyon ng Project Imbudo na layong tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa batas trapiko, maiwasan ang mga aksidente, at mabawasan ang mga krimen na kadalasang kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem.
Ang naturang proyekto ay sa inisyatiba ni Provincial Director PCOL Mardito Anguluan ng Cagayan Police Provincial Office at unang ipinatupad sa bayan ng Iguig, Solana, Enrile, Tuguegarao City at Penablanca, kung saan naglagay ang PNP ng checkpoint sa mga entry at exit points ng bawat bayan.
Ayon kay PLT/Col. Gary Matagay, hepe ng PNP-Tuguegarao, masusing sinusuri ang bawat motorista sa checkpoint kung kumpleto at wasto ang mga kinakailangang dokumento tulad ng lisensya, official receipt at certificate of registration (OR/CR) ng motorsiklo, pati na rin ang tamang pagkakakabit ng plaka.
Naging prayoridad naman sa unang araw ng implementasyon ang pagbibigay ng information and desimination sa publiko kung kaya hindi muna nagpataw ng multa o parusa sa mga nakagawa ng minor na paglabag.
Bibigyan naman ng pass card ang mga motoristang kumpleto ang papeles at walang paglabag na magsisilbing katibayan na dumaan na sila sa inspeksyon.
Sa kabila naman ng mga hamon sa unang araw ng implementasyon nito, sinabi ni Matagay na itinuturing ang Project Imbudo bilang isang malaking hakbang tungo sa mas ligtas at maayos na pamayanan.
Umaasa ang mga kinauukulan na sa pamamagitan ng patuloy na kampanya at suporta ng lahat ng sektor, ay magiging matagumpay at magtatagal ang nasabing programa para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan ng Tuguegarao at mga karatig-lugar.
Ang proyektong ito ay pagtutulungan ng Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), lokal na pamahalaan, at Traffic Management Bureau.










