
Pinaigting ng Police Regional Office 2 o PRO2 ang seguridad sa mga paaralan sa rehiyon kasunod ng mga insidenteng kinasangkutan ng mga mag-aaral sa ilang bahagi ng bansa.
Sa pagbisita ni PRO2 Regional Director PBGen. Mariano Rodriguez sa Cagayan National High School sa Tuguegarao City, sinabi nito na layunin ng kanilang inspeksyon na matukoy ang mga pangangailangan ng paaralan at higit pang mapalakas ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at kawani.
Ayon kay Rodriguez, magdadagdag ang pulisya ng mga personnel na magbabantay sa loob at paligid ng mga paaralan upang mapalakas ang police visibility at maagapan ang anumang banta sa seguridad.
Magsasagawa rin aniya ang PRO2 ng security survey upang matukoy ang mga posibleng kahinaan sa seguridad at mabigyan ito ng kaukulang aksyon.
Samantala, kinumpirma ni CNHS Junior High School Principal Eduardo Dela Rosa na limang karagdagang pulis ang ide-deploy sa paaralan bukod sa dalawang pulis na dati nang nakaatas dito.
Ayon kay Dela Rosa, magbabantay ang mga pulis mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi, partikular sa oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga estudyante. Mahigpit din aniyang ipinatutupad ang pagsusuot ng school ID upang matiyak na mga estudyante at awtorisadong indibidwal lamang ang nakakapasok sa campus.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng paaralan sa agarang pagtugon ng PNP sa kanilang kahilingan para sa dagdag na police visibility.
Ayon naman kay CNHS-Senior High School Principal Marilen Tappa, bagama’t mapayapa ang kanilang paaralan, malaking tulong ang presensya ng mga pulis upang mabigyan ng kapanatagan ang mga magulang, estudyante at mga guro.
Kasunod ng insidente sa Tacloban City, sinabi ni Tappa na nagsagawa sila ng inspeksyon sa mga bag ng mga estudyante sa unang araw ng klase, ngunit wala namang nakumpiskang anumang deadly weapon. Gayunman, magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa pambu-bully at iba pang paglabag sa mga patakaran ng paaralan upang mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa loob ng campus.
Sa kasalukuyan, mahigit 7,000 estudyante ang kabuuang populasyon ng Junior High School at Senior High School ng Cagayan National High School. Nanawagan naman ang mga opisyal ng paaralan at kapulisan sa mga magulang at komunidad na makipagtulungan upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa paaralan.










