Nagbabala ang DOH sa posibleng pagdami ng kaso ng tigdas sa Region 2 dahil 66% lamang ng mga bata ang ganap na nabakunahan noong 2025 na mas mababa sa 95% na target.

Ayon kay Dr. Pretchell Tolentino, asst. regional director ng DOH Region 2, bumaba ang antas ng pagbabakuna simula noong pandemya, sanhi ng pag-aalinlangan sa bakuna at kakulangan ng kaalaman ng mga magulang.

Dahil dito, magsasagawa ang ahensya ng Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity ngayong taon para sa mga batang 6–59 buwan, na may target na 310,574 na bata sa buong Cagayan Valley.

Mula Enero hanggang Mayo 2026, naitala ang 13 kaso ng tigdas sa rehiyon at lahat ay gumaling na subalit karamihan sa mga tinamaan ay hindi kumpleto ang bakuna.

Binigyang-diin niya na mas mataas ang panganib ng malulubhang komplikasyon at kamatayan sa mga hindi nabakunahan.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikipagtulungan na ang DOH sa mga LGU at BHW upang ipaalam na ligtas at epektibo ang bakuna, na ginagamit na sa bansa sa loob ng halos 50 taon at bahagi ng regular na programa laban sa mga maiiwasang sakit.