Igagalang ng House prosecution team ang magiging desisyon ng Senate impeachment court kaugnay ng bilang ng boto na kailangan para mahatulan o mapawalang-sala si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.

Ayon kay Akbayan Party-list Representative at House prosecutor Chel Diokno, hindi nakatuon ang kanilang kampo sa usapin ng voting threshold kundi sa paglalahad ng matibay na ebidensya sa harap ng impeachment court.

Sinabi ni Diokno na anuman ang magiging pasya ng Senado sa usapin, susunod dito ang prosecution team.

Nakatakdang isagawa sa Martes, Setyembre 23, ang oral arguments ng prosecution at defense tungkol sa 16-vote threshold na kasalukuyang itinakda para sa conviction ni Duterte.

Samantala, inaasahang magpupulong ang mga senator-judge bukas, Setyembre 21, para talakayin kung mananatili o babaguhin ang voting threshold.

-- ADVERTISEMENT --

Nagkakaiba ang naging pananaw ng mga dating mahistrado ng Korte Suprema sa usapin.

Tatlo sa apat na inimbitahang legal experts ang nagsabing maaaring baguhin ng Senate impeachment court ang 16-vote threshold, habang iba naman ang posisyon ni retired Associate Justice Adolfo Azcuna, na nagsabing dapat nakabatay ito sa buong membership ng Senado.