Pinag-iingat ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA) ang publiko laban sa mga fake booking at online travel scam ngayong kasagsagan ng summer season.

Ayon kay PTAA Inbound Committee Member Fe Abling Yu, karamihan sa mga pekeng booking ay nakikita sa iba’t ibang social media platforms kung saan nag-aalok ng murang travel packages at accommodation deals.

Pinaalalahanan ni Yu ang mga bakasyunista na tiyaking lehitimo ang kanilang ka-transaksyon sa pamamagitan ng pagberipika ng contact number, business information, at aktuwal na address ng travel agency o booking site bago magpadala ng bayad.

Pinayuhan din ng PTAA ang publiko na magsagawa muna ng background check at umiwas sa agarang pagbabayad gamit ang e-wallets at iba pang online payment methods nang hindi nasusuri ang kredibilidad ng kausap.

Inilabas ng PTAA ang babala kasabay ng inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong summer vacation, na posibleng samantalahin ng mga scammer at fake booking sites.

-- ADVERTISEMENT --