Pananakit ng pulis sa dalawang construction worker, nakuhanan ng video ng isang concerned citizen sa Sta. Praxedes, Cagayan

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang isang pulis na nanakit sa dalawang construction worker na nagtatrabaho sa bagong tanggapan ng PNP Sta. Praxedes, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Johny Balanay, 23 anyos ng Union, Claveria at si Fidel Tainggitan, 54 anyos na residente naman ng Brgy. Nagrangtayan, Sanchez Mira habang ang suspek ay si PCPL Eufrecino Javier Jr. na nakadestino rin sa PNP Sta Praxedes.

Sa panayam kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP Cagayan, sa imbestigasyon ay hindi agad na nakapagreklamo ang mga biktima dahil nangyari ang pananakit ng suspek umaga ng July 20 at naipagbigay alam lamang ito sa pulisya ng July 21 nang ma-upload na ang video ng isang concerned citizen sa social media.

Dahil dito ay agad na aniyang naglunsad ng imbestigasyon ang pulisya at ni-relieve si PCPL Javier at dinala na sa Cagayan Police Provincial Office.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Gano, hindi na nakita sa video ang pananakit ng pulis sa 23 anyos na biktima na una nitong hinampas sa dibdib at sinabunutan habang isinunod din niyang sinaktan si Tainggitan nang tanggihan nito ang alok na sigarilyo dahil hindi naman aniya naninigarilyo ang biktima.

Makikita sa video na unang hinampas ni PCPL Javier si Tainggitan sa kanyang ulo gamit ang kanyang kamay at sinipa habang ng tumayo na ang biktima ay sinampal pa niya ito gamit ang kanyang tsinelas.

Nabatid na si PCPL Javier ay naka duty sa mga oras na nangyari ang insidente at sa nakuhang video ay hindi siya nakasuot ng uniporme at siya rin ay lasing.

Dahil dito ay iginiit ni Gano na hindi kukunsintihin ng pamunuan ng Cagayan Police Provincial Office ang ganitong uri ng asal ng mga pulis na dapat naglilingkod at nagtatanggol sa mga mamamayan.