Patay ang isang pulis na may ranggong corporal matapos na aksidente nitong mabaril ang kanyang tiyan sa Sitio Ukban, Barangay Buhisan, Cebu City kahapon ng umaga.

Ang nasabing pulis, 33-anyos ay nakatalaga sa Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU) ng Cebu Police Provincial Office (CPPO).

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Maria Theresa Macatangay, Deputy City Director for Operations at spokesperson ng Cebu City Police Office, may nakuha ang mga imbestigador na CCTV footage mula sa bahay ng nasabing pulis na kuha ang insidente.

Makikita sa CCTV na dumating ang pulis mula sa trabaho, tinatanggal ang kanyang mga damit at pistol belt.

Kinuha niya ang kanyang 9mm service firearm, subalit aksidente niyang nakalabit ang gatilyo, at tinamaan ang kanyang tiyan.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa CCTV footage, mag-isa ang biktima sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente, dahil ang kanyang anak ay nasa paaralan at lumabas ang kanyang asawa.

Sinabi ni Macatangay, walang foul play sa pagkamatay ng nasabing pulis.