Inihayag ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte na umano’y nakapaglabas na ang International Criminal Court (ICC) ng mga arrest warrant laban kay Senador Christopher “Bong” Go at dalawang dating opisyal ng pulisya, batay sa impormasyong natanggap niya mula sa isang aniya’y mapagkakatiwalaang source.

Sa isang pahayag, kinuwestiyon ni Duterte ang umano’y paggamit ng administrasyon sa ICC laban sa mga katunggali sa pulitika at nanawagang huwag gamitin ang mga ahensya ng gobyerno upang gipitin ang mga kalaban. Nauna ring sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na posibleng susunod si Go sa mga haharap sa warrant mula sa ICC kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity, murder, at attempted murder.

Gayunman, mariing pinabulaanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) ang naturang pahayag. Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, wala silang natatanggap na anumang pormal na abiso kaugnay ng sinasabing warrant.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng PNP na wala rin itong natatanggap na opisyal na komunikasyon o dokumento tungkol sa umano’y ICC warrants. Iginiit ng pambansang pulisya na susundin nito ang anumang kautusan na dadaan sa wastong legal na proseso at ipatutupad ang mga ito alinsunod sa umiiral na batas at mga itinakdang protocol.