
Idineklarang ligtas ang Quezon City Hall matapos magsagawa ng security sweep ang mga awtoridad kasunod ng bomb threat na ipinadala sa Facebook page ng Quezon City government.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, sinuyod ng mga pulis ang buong gusali at compound, kabilang ang mga restroom, ngunit walang nakitang kahina-hinalang bagay.
Hindi tinukoy sa mensahe kung ano ang sinasabing itinanim na bagay at hindi rin malinaw kung ang nag-post nito ang siya ring nagtanim umano ng bomba.
Natukoy naman ng pulisya na isang araw pa lamang ang Facebook account na ginamit sa pagbabanta.
Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang nasa likod ng post at inihahanda ang kaukulang kaso. Ayon sa PNP, nauubos din ang police resources sa pagtugon sa mga pekeng bomb threat.
Dahil gabi na nang matanggap ang banta at nakauwi na ang mga empleyado, hindi na kinailangang lumikas ang mga ito.










