Hinatulang makulong ang 24-anyos na lalaki ng pitong taon ng Seoul High Court dahil sa serye ng sex crimes, kabilang ang isa na napatunayan ng mga imbestigador sa kanyang isang ginawang pag-atake na nakita ang repleksiyon sa takip ng washing machine sa isang security camera footage.

Napatunayan ng appeals court na guilty ang defendant sa rape, sexual assault, illegal confinement, sexual intercourse sa isang menor de edad.

Pasusuotin din siya ng electronic tracking anklet sa loob ng pitong taon sa sandaling siya ay lumaya na, at pinagbawalan na magtrabaho sa mga pasilidad para sa juveniles, mga bata at mga may kapansanan sa loob ng pitong taon.

Isa sa ginawa ng lalaki na pumukaw sa atensiyon ng publiko noong July 2024, ay nang papurihan ng Supreme Prosecutors’ Office ang mga imbestigador dahil sa kanilang napakagaling na paggamit ng forensics.

Una nang kinasuhan ang lalaki sa iba pang krimen, kabilang ang panggagahasa sa kanyang dating kasintahan, pagbabanta na ilalabas ang video ng kanyang ginawang pag-atake, at pakikipagtalik sa isang menor de edad.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit nahirapan ang mga awtoridad na patunayan ang isa pang akusasyon laban sa kanya ng isa pang rape victim.

Ang isinumiteng security camera footage ng biktima ay hindi nakita ang aktuwal na panghahalay sa kanya, subalit sa forensic analysis sa footage, nakita ang repleksiyon sa takip ng washing machine ang ginawang pag-atake ng akusado sa biktima.

Nakakuha ang mga imbestigador ng matibay na patunay matapos ang tunog at video enhancement sa footage, na nagbunsod sa lalaki na aminin ang krimen.

Mas mababa ang ibinigay na hatol ng Seoul High Court na pitong taon kumpara sa walong taon na hatol ng mababang hukuman, dahil sa nagkaroon ng settlement sa isa sa mga biktima at wala umanong dating criminal record.