Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng show cause order ang rider na nasa likod ng viral video kung saan makikitang nagsasagawa ng delikadong “wheelie” o pagpapatakbo ng motorsiklo gamit lamang ang isang gulong sa pampublikong kalsada.

Ayon sa LTO, bukod sa mapanganib na stunt, nakita rin sa video na hindi nakasuot ng helmet ang rider, walang side mirror ang motorsiklo, at nakasuot lamang siya ng tsinelas habang nagmamaneho.

Sa paunang imbestigasyon, natuklasan din ng LTO na hindi rehistrado ang motorsiklong ginamit sa insidente.

Dahil dito, pinapatawag ng ahensya ang rider at ang rehistradong may-ari ng motorsiklo upang magpaliwanag sa mga posibleng paglabag sa batas-trapiko.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, hindi dapat gawing libangan o content sa social media ang mga mapanganib na stunt sa kalsada dahil nalalagay sa panganib hindi lamang ang rider kundi pati ang ibang motorista at pedestrian.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang pansamantalang hakbang, inilagay sa alarm status ang motorsiklo habang suspendido naman sa loob ng 90 araw ang lisensya ng rider.

Muling pinaalalahanan ng LTO ang publiko na unahin ang kaligtasan at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.