
Nasungkit ni Rina Andrea Delos Santos ng Ballesteros, Cagayan ang korona bilang Miss Philippines Earth 2026 sa ginanap na coronation night sa Cultural Center sa Malitbog, Bukidnon nitong Sabado ng gabi.
Tinalo ni Delos Santos ang 31 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang maiuwi ang titulo sa ilalim ng temang “Love in Action.” Siya rin ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Earth 2026 na gaganapin sa huling bahagi ng taon.
Bago ang kanyang pagkapanalo, kinilala rin siya bilang Miss Hana, isa sa mga special awards ng patimpalak.
Sa final question-and-answer portion, sinabi ni Delos Santos na bilang isang community tour guide, nakahanda siyang isulong ang pangangalaga sa kalikasan at maipakita ang Pilipinas bilang huwaran sa sustainability at environmental stewardship.
Idinagdag niya na ang tunay na pagmamahal ay nagdudulot lamang ng pagbabago kapag ito ay isinasabuhay sa pamamagitan ng pagkilos.
Samantala, inanunsyo rin ang mga bagong Elemental Queens na makakasama ni Delos Santos sa pagsusulong ng environmental awareness at eco-tourism.
Nakatakda na ngayong simulan ng Cagayan beauty queen ang kanyang paghahanda para sa Miss Earth 2026, kung saan target niyang maiuwi ang ikalimang korona ng Pilipinas sa international pageant.










