
Iginiit ng kampo ni dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez na wala itong planong umalis ng bansa at haharap sa reklamong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman sa sandaling pormal na matanggap ang kopya nito.
Ayon kay tagapagsalita Atty. Elaine Atienza, wala pang naihahatid na opisyal na kopya ng reklamo kay Romualdez kaya wala pa silang maihahaing sagot.
Itinanggi rin niya ang alegasyong umiiwas ang dating House Speaker sa legal na proseso at iginiit na nananatili ito sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Atienza na nasa yugto pa lamang ng preliminary investigation ang kaso at wala pang naisasampang kasong kriminal sa Sandiganbayan.
Aniya, umiiral pa rin ang presumption of innocence at kumpiyansa silang mapapawalang-sala si Romualdez kapag nasuri ang mga ebidensya.










